Ito ay mga koleksyon ng iba't-ibang pananaw ni Mang Omboy. Mga sabi-sabi at pansariling opinyon nya lamang ito. Sana ay makapulot kayo ng aral at maging inspirasyon ito para mapabuti ang inyong buhay at magtagumpay sa kung ano man ang inyong mga pinapangarap sa buhay. Salamat sa inyong lahat.
Monday, 6 April 2015
MO-010
Karamihan sa mga Pilipino ay may maling pananaw pagdating sa yaman ng isang tao. Madalas itong binibigyan ng maling imahe, kapag mayaman o yumaman ang isang tao, sasabihin ng iba na nagbago na ang ugali, mayabang, mapag-mataas, maramot, hindi marunong makisama, at kung ano-ano pa.
Gaya ng sabi nila, "Mas importante ang kabutihan ng loob kaysa sa pera. Dahil ang pera hindi mo madadala kapag pumanaw ka na. Pero ang kabutihan mo ay mananatili sa Puso ng mga kakilala mo."
Tama naman ang pananaw na ito, mas importante ang kabutihan ng loob. Pero hindi dapat ito ang magdiin na ang pera ay hindi importante.
Pareho silang mahalaga sa panahon ngayon. Kailangan mo ng pera sa halos lahat ng kailangan mo upang ikaw ay mabuhay. Hindi ko sinasabing maging materyalistic tayo, pero dapat nangingibabaw pa rin ang Kabutihan ng loob.
Gaya nga ng sabi ko, "Napakahalaga na may mabuti kang kalooban, kaya dapat mong isipin na sa iyong pagpanaw ay may maiwan ka ring yaman para sa iyong pamilya, na ikaw ay namatay na nagtagumpay sa buhay kaysa sa kahirapan ang ipapa-mana mo sa iyong mga iniwan."
Totoo na hindi mo madadala ang yaman mo kapag ikaw ay pumanaw na... dahil ito ay iyong ipapamana sa iyong pamilya. Mas magiging masaya ka sa iyong pagpanaw kung naka-ayos na ang kanilang kinabukasan. Mas magiging masaya ang iyong mga iniwan dahil nabigyan mo sila ng magandan kinabukasan.
Totoo na mananatili ang kabutihan mo sa mga kakilala mo... pero di ba't mas marami kang posibleng matulungan kung ikaw ay may yaman? Dahil kung likas na mabuti ang kalooban mo at ikaw ay may taglay na yaman, mas marami kang mabibigyan ng "kabutihan."
- Mang Omboy -
PS: Mag-comment ka sa baba kung ano ang iyong palagay tungkol dito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment